So nalo, Torre bigo

MANILA, Philippines - Sinimulan ni Filipino GM Wesley So ang kanyang kampanya matapos talunin ang kababayang si Petronio Roca, habang ginitla naman ni WGM Pad­mini Rout ng India si GM Eugene Torre sa 1st Florencio Campomanes Memorial Cup chess championships sa Ninoy Aquino Stadium.

Sinamantala ni So, ang No. 2 seed sa ilalim ni top seed GM Le Quang Liem ng Vietnam buhat sa kanyang ELO 2676, ang ilang pagkakamali ni Roca patungo sa kanyang 33-move win sa Anti-King’s Indian system.

Kinuha ng 16-anyos na si So ang panalo laban kay Roca (ELO 2372) sa paglalaro ng itim na piyesa.

Nanalo rin ang 16-an­yos na si Padmini, umang­kin sa bronze medal sa World Juniors Championships sa Czarna, Poland, sa 59-anyos na si Torre sa paglalaro sa itim na piyesa sa 72-player field. 

Sinorpresa naman ni Mari Joseph Turqueza, isang 17-anyos na legal management student ng La Salle, si IM Oliver Dimakiling.

Pumuwersa ng draw sina IM Roy Saptarshi ng Indonesia kay Liem; FM Randy Segarra kay No. 13 seed GM Zhang Zhong ng Singapore; Edmundo Gatus kay GM Dashzegve Sharavdorj ng Mongolia; at Deniel Causo kay GM John Paul Gomez.

Show comments