'Triggerman' ng PBA kilala na ng NBA Legends
MANILA, Philippines - Ngayon, kilala na ng mga NBA Legends kung sino ang tinaguriang “The Triggerman” sa Philippine Basketball Association (PBA).
Umiskor ng game-high 52 points, tampok ang 14-of-26 shooting sa three-point range, iginiya ni Allan Caidic ang Red Team sa 177-167 panalo kontra White Team sa NBA Asia Challenge 2010 kamakalawa ng gabi sa Big Dome.
Ikinamangha nina NBA Legends Glen Rice, Chris Webber, Gary Payton at Mitch Richmond ang naturang shooting exhibition na ginawa ng 47-anyos na si Caidic, may rekord na pinakamaraming 3-pointers na naisalpak sa isang laro sa bilang na 17.
“Watching guys like “The Triggerman” putting on a show, I can’t wait to come back here,” sabi ng 6-foot-8 na si Rice, miyembro ng Los Angeles Lakers na nagkampeon noong 2000 NBA season.
Bilang patunay ng shooting accuracy ni Caidic, tatlong magkasunod na tres ang isinalpak nito sa second period para sa 62-60 abante ng Red Team sa 7:05 nito para sa kanyang kabuuang anim sa first half.
“Nag-ensayo talaga ako para naman hindi mapahiya sa mga NBA Legends at mapasaya ang mga fans,” sabi ng dating kamador ng University of the East sa UAAP.
- Latest
- Trending