MANILA, Philippines - Isang determinadong Antonio Margarito ang makakaharap ni Manny Pacquiao sa Nobyembre 13 para sa bakanteng WBC junior middleweight title sa Cowboy’s Stadium sa Texas.
May misyon si Margarito sa kanyang pagbabalik sa US upang sumabak sa malaking laban dahil maliban sa titulo, pakay ng 32-anyos na Mexicanong boxer na maibalik ang puri at respetong nawala nang masuspindi ng isang taon.
“I thank Texas for giving me the license and believing on me,” wika ni Margarito. “I’m going to prove that I don’t need anything that is forbidden to win my battles.”
Isang two-division champion sa welterweight division, nasira ang pangalan ng 5’11 boksingero nang mapatunayan na gumamit ng ilegal na kemikal upang mapatigas ang balot sa kamao nang kinaharap at natalo kay Sugar Shane Mosley noong Enero 24, 2009.
Dahil dito ay nasuspindi siya ng isang taon at hindi na nakalaban pa sa US.
Para sa laban nila ni Pacquiao na handog ng Top Rank ay napahiya uli si Margarito nang hindi mabigyan ng lisensya mula sa California State Athletic Commission.
Pero pumanig sa kanya ang suwerte nang dumulog sa Texas Department for Licensing and Regulation dahil napahintulutan siyang lumaban sa Texas nang gawaran ito ng lisensya.
I’m happy because now I have the fight with Pacquiao in my hands, and because I have the opportunity to show that I’m a clean fighter. It’s going to be a hard fight, but I will win,” dagdag pa ni Margarito.
Ipaparada ni Margarito ang kanyang ring record na 38 panalo sa 45 laban bukod sa 27KO.
Bago ang laban kay Mosley ay kilala na si Margarito na matibay na boksingero at may angking lakas at nakita ito ng talunin niya si Miguel Cotto sa pamamagitan ng 11th round TKO panalo noong Hulyo 26, 2008 upang agawin ang WBA world welterweight title.
Ang Puerto Rican na si Cotto ay nakalaban na rin ni Pacquiao at umiskor ang Pambansang kamao ng 12th round TKO para maagaw naman ang dating hawak nitong WBO welterweight title.
Magkukrus ang landas nina Margarito at Pacquiao sa Lunes sa Beverly Hills Hotel sa Los Angeles sa pagbubukas sa tatlong araw na Press Tour upang pormal na maianunsyo ang kanilang laban.
Sunod na paggaganapan ay ang Chelsea Piers’ Pier 60 sa New York sa Miyerkules bago matapos sa Cowboys Stadium sa Biyernes.