MANILA, Philippines - Ipinakita ng La Salle ang abilidad na bumangon buhat sa masakit na pagkatalo nang silatin nila ang nangungunang Far Eastern University sa pamamagitan ng 80-66 panalo sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Umararo ng 26 puntos sa huling yugto ang Archers habang ang kanilang depensa ay nilimitahan ang kalaban sa siyam na katiting na puntos upang mapag-ibayo ng koponan ang tsansang makahabol sa unang dalawang puwesto sa pagsungkit ng ikapitong panalo sa 11 laro.
May 19 puntos si Simon Atkins at 10 rito ay ginawa sa huling yugto upang pangunahan ang pagbalikwas ng tropa ni coach Dindo Pumaren buhat sa tinamong 57-74 kabiguan sa karibal na Ateneo.
May 6 of 12 shooting bukod pa sa 6 rebounds at 2 assists si Atkins na naglaro ng may tatlong tahi sa kaliwang kilay matapos magkauntugan sila ni RR Garcia sa first half.
“Lumabas ang pride ng mga bata na hindi nakita sa laro namin sa Ateneo,” pahayag naman ni coach Pumaren.
Ikalawang pagkatalo lamang ito ng Tamaraws sa 11 laro at ininda nila ang biglang pagkulapso sa naunang matikas na opensa upang mawalang saysay ang kinuhang 57-54 kalamangan matapos ang tatlong yugto.
Napanatili naman ng UST ang katiting na tsansang makaabante sa susunod na yugto nang malusutan ang UP, 68-66, sa unang laro.
Isang 11-0 bomba ang pinakawalan ng Tigers matapos matanganan ng Maroons ang 58-54 kalamangan para masungkit ang ikaapat na panalo sa 11 laro at mawakasan ang limang sunod na kabiguan na nagsantabi sa 3-2 panimula.