MANILA, Philippines - Makikilatis ang husay ng mga boksingerong Pinoy laban sa mga dayuhan sa Philippines versus the World ngayong gabi sa Waterfront Hotel sa Cebu City.
Tampok na laban ang susuungin ni dating world title contender Rey “Boom Boom” Bautista kontra kay Alejandro Barrera ng Mexico na siyang tatayong main event.
Ipaparada ni Bautista na noong 2007 ay nagtangka pero nabigong maging WBO super bantamweight champion nang lasapin ang first round KO kabiguan kay Daniel Ponce De Leon, ang 28-2 karta kasama ang 21 KO laban kay Barrera na pinsan ng dating world champion na si Marco Antonio Barrera.
Sa featherweight na kumakampanya ngayon si Bautista at kung manalo nga kay Barrera, ang interim WBC international featherweight champion ay sunod na mapapalaban kay Hector Julio Avila sa Oktubre sa Dubai para sa IBF inter-continental featherweight title.
Sina Jimrec Jaca, Florante Condes at Milan Melindo ang iba pang Pinoy na aakyat ng ring upang hiyain ang mga dayuhan na naimbitahan para sa sagupaang ito na handog ng ALA Boxing Promotion at mapapanood din sa ABS-CBN.
Si Jaca na may dalawang dikit na panalo sa kanyang pagbabalik buhat sa dalawang taong pamamahinga ay sasagupa kay Pipino Cuevas Jr. na anak ng dating world champion na si Cuevas Sr.
Kung manalo, susunod siyang aakyat sa ring sa Oktubre 10 sa Zamboanga laban kay Korean Choi Jong-yoon.
Si Condes ay sasagupa kay Indonesian Sofyan Effendi ng Indonesia habang ang walang talong si Melindo (21-0) ay sasabak kay Joen Jin-man ng Korea.
Lahat naman ng boksingerong ito ay walang hirap na naalpasan ang weight limit at sina Bautista at Barrera ay tumimbang sa 126.25 lbs; sina Jaca at Cuevas Jr. ay tumimbang sa 138.5 lbs; sina Condes at Effendi ay sa 105.5 lbs., at Melindo at Jeon ay sa 111.75lbs.