Triple-double ni Hermida susi ng Bedans sa 10 dikit na panalo
MANILA, Philippines - Lumabas ang tunay na paglalaro ng San Beda sa second half upang ang naunang mahigpitang labanan sa first half ay naging 92-68 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College sa 83rd NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Gumawa ng kauna-unahang triple-double sa kanyang career si Borgie Hermida sa 14 puntos, 10 rebounds at 10 assists upang pamunuan ang malakas na pagtatapos ng Red Lions para maisulong ang nangungunang karta sa 10-0 marka.
“He had a big game. He is a good player and I’m happy for him,” wika ni Lions coach Frankie Lim patungkol kay Hermida na nasa kanyang huling taon sa NCAA at papasok sa PBA Draft sa Linggo.
May 17 puntos si Garvo Lanete habang 14 rin ang ginawa ni Anthony Semerad bukod pa sa kanyang pagposas kay Argel Mendoza sa ikatlong yugto upang tuluyang makahulagpos ang San Beda.
Mula sa 39-36 kalamangan sa first half ay nagpakawala ng 34 puntos ang Lions habang ang full-court defense nila ay nilimitahan lamang sa 13 puntos ang Generals para kunin ang 73-49 bentahe.
Si American Sudan Daniel ay nakitaan din ng husay ng paglalaro nang trangkuhan ang depensa ng Lions sa ginawang 7 blocks bukod pa sa 8 puntos at 8 rebounds.
Samantala, isinantabi naman ng nagdedepensang San Sebastian ang di paglalaro nina Calvin Abueva at Ronald Pascual sa kinuhang 62-51 tagumpay sa College of St. Benilde sa unang sagupaan.
Si Pascual ay may sakit habang si Abueva ay natapilok sa first period pero hindi naapektuhan ang laro ng Stagsdala sa husay ni John Raymundo na nagkalat ng siyam sa kabuuang 14 puntos sa ikatlong yugto para tuluyang mailayo ang koponan.
“Nag-step up ang ibang players ko kaya hindi naramdaman ang pagkawala nina Calvin at Ronald. Maganda rin ang depensa namin kina (Carlo) Lastimosa at (Mark) De Guzman,” wika ni coach Renato Agustin na iniluklok ding bagong coach ng San Miguel Beer.
Ito ang ikasiyam na panalo sa 10 laro ng Baste habang nalaglag sa 2-8 baraha ang Blazers.
San Sebastian 62- Raymundo 14, Semira 11, Bulawan 8, Sangalang 7, Abueva 7, del Rio 5, Gorospe 4, Maique 2, Maconocido 2, E. Gatchalian 2, dela Cruz 0.
CSB 51- Lastimosa 26, Argamino 8, Sinco 5, McCoy 4, Amin 3, Wong 2, dela Paz 2, de Guzman 1, Nayve 0.
Quarterscores: 13-6; 22-14; 40-33; 62-51;
San Beda 92- Lanete 17, A. Semerad 14, Hermida 14, Marcelo 9, Daniel 8, K. Pascual 7, Lim 5, D. Semerad 4, Mendoza 4, Caram 4, Moralde 3, Villahermosa 2, J. Pascual 1, Sorela 0.
EAC 68- L. Yaya 16, Mendoza 16, Chiong 14, R. Yaya 10, Vargas 7, Tuazon 4, Cubo 1, Villegas 0, Diolanto 0
Quarterscores; 18-16; 39-36; 73-49; 92-68.
- Latest
- Trending