MANILA, Philippines - Nakabangon ang Far Eastern U mula sa kanilang masamang panimula sa first set upang maitakas ang 19-25, 25-20, 25-21, 25-19 pananaig laban sa National U kahapon at manatiling palaban para sa huling semifinal berth sa Shakey’s V-League Season 7 second conference sa The Arena sa San Juan.
Nagpakawala si Rachel Daquis ng 17 hits, kabilang ang 10 kills at tatlong blocks, habang nag-ambag naman ang kapwa niya guest player na sina Michelle Carolino at Kathlene Magsumbol na nagbigay ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Lady Tams, na nanatiling nasa ikalimang puwesto taglay ang 5-5 win-loss slate at may agwat lamang itong kalahating laro sa pumapang-apat na Lyceum team na may 5-4.
Ang kabiguan ng Lady Bulldogs ang tuluyang sumibak sa kanila, kung saan gumawa sila ng sorpresa sa first set, subalit nabigo silang masustina ang kanilang performance para tapatan ang mabangis na paglalaro ng Morayta-based spikers sa sumunod na tatlong frames.
Isinara ng Bulldogs ang kanilang kampanya sa tournament na ito na itinataguyod ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision sa dalawang panalo at walong kabiguan.
Trinangkuhan ni Denise Santiago ang NU sa kanyang tinapos na 15 kills para sa 19-point output.
Sa kabila, kailangan pa rin ng Lady Tams na payukurin ang San Sebastian-Excelroof at ang Ateneo sa susunod na dalawang laro upang mahigitan ang Lady Pirates sa kanilang mahigpitang labanan para sa huling Final Four berth sa torneong ito na suportado rin ng Accel, Mikasa and Excelroof.