MANILA, Philippines - Inangkin ng five-time champion University of Manila ang solong liderato matapos na payukurin ang Lyceum of Subic Bay, 104-82 sa pagpapatuloy ng aksyon sa 10th NAASCU men’s basketball tournament sa UM gym.
Ang panalo ay nagbigay sa Sampaloc-based squad ng pitong panalo matapos ang walong asignatura.
Sumandig ang Hawks, tangka ang korona sa paggabay nina coach Jojo Castillo at manager Atty. Ernesto delos Santos, sa matikas na performance ni rookie forward Eugene Torres matapos trangkuhan ang koponan sa pag-alagwa.
Hindi napigil si Torres ng kanyang mga bantay sa pagposte ng game-high 47 puntos para sa Hawks.
Dalawang iba pang rookies sina--Rhandelle Colina at Edwin Paterno ang nagpasiklab rin sa panalo ng Hawks.
Tumapos si Colina, isang 5’10 guard, ng 24 puntos, habang nagsumite naman si Paterno ng 12 puntos para sa UM na tumapos na runner-up sa San Sebastian College noong nakaraang taon sa torneong ito na inorganisa ni NAASCU president Dr. Jay Adalem ng host school St. Clare College.
Gumawa naman si Dhon Ronquillo ng 21 puntos upang balikatin ang Sharks, nag-ambag sina Jommel Bilog ng 13, Billy Ray Labadan ng 12 at JR Buenaflor ng 13, 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa isa pang laro, niyanig ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasay ang New Era University, 79-74 at hiniya ng Centro Escolar University ang University of Makati, 97-78.
UM 104--Torres 47, Colina 24, Pateno 13, Manuel 6, Ancheta 4, Ibay 4, Viernes 4, Patricio 2, Sanguyo 0, Tan 0.
Lyceum 82--Ronquillo 21, Bilog 13, Labadan 12, Buenaflor 10, Velasco 8, Johnson 5, Manalili 5, Torres 4, Javier 2, Rosales 2.
Quarterscores: 22–16, 51–37, 72–63, 104–82.