Reyes aminadong mahihirapan sa World Pool

MANILA, Philippines - Hindi nagbibigay ng anumang prediksyon si Efren “Bata” Reyes sa ka­nilang tsansa ni Francisco “Django” Bustamante na madomina uli ang PartyPoker.net World Cup of Pool na isasagawa sa Robin­son’s Place Midtown Wing sa Ermita Manila mula Setyembre 7 hanggang 12.

Wala siyang komento kung makukuha nila ang ika­lawang sunod na titulo at ikatlo sa limang edisyon ng torneong inorganisa ng Matchroom Sports, dahil alam niyang lahat ng 32 teams na kapapalooban ng 64 matitinding manlalaro sa pool, ay naghahanda at palaban sa kampeonato.

“Hindi lamang isang pares kungdi lahat ng pares ay malalakas dito. Lahat sila ay naghahanda at tumibay na rin ang kanilang mga laro. Kaya nga may nerbiyos akong nararamdaman,” wika ni Reyes nang isagawa kahapon ang pormal na pag-aanunsyo ng torneo sa Solar Tower sa Makati City.

Sina Reyes at Bustamante ay nanalo kina Ralf Souquet at Thorsten Hoh­mann, 11-9, na ginanap sa SM North sa Quezon City. Ito ang ikalawang titulo ng magkumpare na parehong mga world champions dahil una silang hinirang na kampeon ng torneo noong 2006 nang gapiin sina Earl Strickland at Rodney Morris, 13-5, na ginanap sa Newport Wales.

Nakasama sa seremonya sina Dennis Orcollo at Roberto Gomez na siyang bubuo sa ikalawang koponan mula sa home team.

Ang iba pang bansa na kasali ay ang Australia, Austria, Belgium, Canada, China, Croatia, England, Finland, France, Holland, Hong Kong, India, Indonesia, Italy, Japan, Korea, Malaysia, Malta, Poland, Qatar, Russia, Singapore, Slovenia, Spain, Sweden, Thailand, USA at Vietnam.

Show comments