MANILA, Philippines - Ibinasura ni UAAP commissioner Ato Badolato ang protestang inihain ng UP sa nalasap na 59-61 kabiguan sa kamay ng National University nitong Linggo sa Araneta Coliseum.
Nagdesisyon si Badolato na huwag pakinggan ang protesta matapos niyang ideklara na judgement call ang nangyari nang hayaan ng mga referees ang isa pang tangkang lane violation ng Maroons sa ikalawang free throw ni Jewel Ponferrada upang awtomatikong mabasura ito.
Dahil sa kawalan ng tawag, hindi nakagawa ng disenteng play ang Maroons sa huling dalawang segundo upang lasapin ang ikasiyam na sunod na pagkabigo.
Hindi naman nagpabaya si Badolato sa masamang pito nina referees Ariel Bermeo at Glen Cornello nang patawan ito ng dalawang game suspension habang isang laro naman na mauupo uli si Alvin Padilla nang pagsisigawan niya ang mga referees matapos ang laro.