MANILA, Philippines - Maski ang isang US national light flyweight champion ay napahanga kay Filipina Annie Albania.
Tinalo ni Albania si American Jessica Ponce via unanimous decision sa “Philippines vs California” dual meet sa Koret Recreational and Sports Center sa University of California.
“She hits so hard. She’s one of the hardest punchers I’ve met in my career,” ani Ponce kay Albania, miyembro ng RP team sapul noong 2001 at isang silver medalist sa 2008 World Women’s Amateur Championships sa India.
Dalawang beses binigyan si Ponce ng mandatory eight-count sa fourth round patungo sa panalo ni Albania.
Ang pagbiyahe ng mga atleta ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) sa US ay bilang preparasyon para sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Umagaw rin ng eksena si Charly Suarez ng Panabo City, Davao nang pabagsakin si Roman Morales ng San Pedro, California Boxing Club sa dulo ng third round sa bantamweight class.
“These two guys are good. Very impressive. They’re lucky to be here and get to train and meet good opponents to get even better,” sabi ni Fil-American USF head boxing coach Angelo Merino kina Albania at Suarez.
Umiskor rin ng panalo si lightweight Delfin Boholst makaraang patulugin si Jacob Operskolski ng Kings Gym sa third round para sa kanyang tagumpay kasunod ang mga tagumpay nina light flyweight Victorio Saludar at bantamweight Ricky Dulay.