MANILA, Philippines - Hindi binigo ni Mercito “No Mercy” Gesta ang mga tagahangang nananalig sa kanyang husay nang kanyang patulugin sa ikapitong round si Genaro Trazancos sa labang isinagawa sa Casino Del Sol sa Tucson, Arizona.
Ang sagupaang ito ay isang non-title fight pero hindi nagpatumpik-tumpik ang 22-anyos tubong Mandaue City pero namamalagi na sa San Diego California, nang kanyang patumbahin ang beteranong si Trazancos gamit ang isang malakas na kaliwa.
Mas agresibo ang 35-anyos na Mexicano pero pinagbayad siya ni Gesta dala ng husay ng kanyang counter punching.
Solidong tumama ang kaliwa ni Gesta upang mabuwal si Trazancos at kahit sinikap na makabangon ay hindi na nito nagawa para tuluyang mabilangan ng referee.
Ang opisyal na oras ng laban ay 53 seconds sa ikapitong round.
Ang panalo ay nag-akyat sa malinis na karta na 19-0 bukod sa ikasiyam na KO at isang tabla.
Ang tabla ay nangyari noon pang 2005 laban sa isa ring Filipino boxer na si Rey Llagas pero matapos ito ay kumubra ng 10 sunod na panalo si Gesta.
Kasama nga sa kanyang tinalo ay si Oscar Meza noong Hunyo 4 para maibulsa ang bakanteng WBO NABO Youth Lightweight title.
Dala ng matikas na karta ay ikinukumpara na si Gesta sa husay ni Manny Pacquiao.
Ang panalong ito ay inaasahan ding mag-aakyat kay Gesta mula sa kasaluyang pang-15 puwesto sa WBO lightweight division na ang titulo ay hawak nina Juan Manuel Marquez at Michael Katsidis.