MANILA, Philippines - Tuluy-tuloy na ang ginagawang pagpapalakas ng nagbabalik na Meralco para sa 36th season ng Philippine Basketball Association sa Oktubre.
Naisara na ng Meralco ang isang three-team, four-player trade kung saan nahugot nila si Mac Mac Cardona mula sa Talk ‘N Text.
Sinabi ni Meralco head coach Ryan Gregorio sangkot sa naturang trade ang kanilang sister team na Talk ‘N Text at ang Air21.
Dahil sa hindi pinapayagan ng liga ang direktang palitan sa pagitan ng mga sister teams, ginamit ng Meralco ang Air21 bilang ‘conduit’.
Mula rito, nakolekta ng Express si Fil-Am pointguard Josh Urbiztondo at ang first round overall pick ng Meralco para sa darating na 2010 PBA Rookie Draft na magaganap sa Agosto 29 sa Market! Market! sa Taguig City.
Ang fourth overall pick naman ng Air21 ni Yeng Guiao sa draft ang nasambot ng Talk ‘N Text ni Chot Reyes.
Nauna nang nasikwat ng Meralco mula sa isang three-team, three-player trade si 6’6 Beau Belga mula sa Air21 kapalit ni 6’4 Ali Peek na dinala naman nila sa Talk ‘N Text. Si 6’6 JR Quiñahan ay magbabalik sa Express mula sa Tropang Texters.
Makakasama nina Cardona at Belga sa Meralco sina 6’9 Marlou Aquino, Bitoy Omolon, Ogie Menor at Yousif Aljamal.
Si Cardona, naglaro ng limang season sa Talk ‘N Text, ay naging overall leading local scorer ng 2008-2009 season mula sa kanyang average na 20.0 ppg at naging third leading scorer sa 2009-2010 season sa kanyang 17.1 ppg output.
Samantala, isang two-year contract extension naman ang nilagdaan ni two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller sa Barangay Ginebra.
Bukod kay Miller, dinala ng Gin Kings sa Aces kapalit ni Cyrus Baguio sa kalagitnaan ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference na pinagharian ng Alaska, ang iba pang tiyak nang may contract extension ay sina Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, JC Intal at Rico Villanueva.