FEU sa semis na
MANILA, Philippines - Isinantabi ng Far Eastern University ang pagkawala ni Reil Cervantes nang magpakita ng maalab na paglalaro si Aldrech Ramos upang pangunahan ang 76-67 panalo sa University of Santo Tomas at makopo na ang unang puwesto sa Final Four sa 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ipinakita ng 6’6 na si Ramos kung bakit siya kasapi ng Gilas National team nang maghatid ng season high 21 puntos bukod pa sa 15 rebounds, 6 assists at 2 blocks upang umani siya ng papuri mula kay coach Glen Capacio.
“Masaya ako dahil nag-step upang ibang players ko lalo na si Aldrech. Ngayon masasabi kong hindi lamang kami isang RR Garcia team,” wika ni Capacio na tinuhog ang ikasiyam na panalo sa 10 laro para makapasok na sa Final Four.
Huling dikit ng Tigers ay sa 56-59, pero nagsanib kamay sina Ramos, Garcia at Terrence Romeo sa isang 12-1 run upang tuluyang mailayo ang koponan.
Si Romeo ay naghatid ng 13 habang 11 naman ang ibinigay ni Garcia.
Ang pagkatalo naman ng Tigers ay kanilang ikalimang sunod at ikatlo sa ikalawang ikutan upang mangailangan ngayon ng tropa ni coach Alfredo Jarencio na mawalis ang nalalabing apat na laro at umasang hindi lumampas ang isa sa Ateneo, Adamson at La Salle sa pitong panalo para makahirit ng playoff sa ikaapat at huling puwesto sa semis.
Nanatili namang buhay ang hangarin ng UE na makaalpas sa eliminasyon nang maiuwi ang 71-63 tagumpay sa Adamson sa una
Tatlong magagandang assists ang ginawa ni Paul Lee kina James Martinez at Kenneth Acibar upang mapagulong ng Warriors ang 7-0 bomba at ang 59-60 paghahabol ay naging 66-60 kalamangan may 3:00 minuto sa orasan.
Ang panalo ay nagbigay sa UE ng 3-7 win-loss slate. At ang kabiguan naman ang tumapos sa apat na sunod na panalo ng Falcons at nalaglag sila sa ikatlong puwesto sa 7-3 karta.
- Latest
- Trending