Lacuna, RP cagers bigo sa YOG
SINGAPORE--Sa kabiguan ni Pinoy tanker Jessie Lacuna na umarangkada sa finals ng 200-meter butterfly kahapon, tuluyan na ring lumabo na ang tsansa ng delegasyon ng Pilipinas sa 2010 Youth Olympics na ginaganap sa Sports School dito.
Nagkasya lamang ang 16-year-old na tubong Bulacan sa ikalimang puwesto sa ikalawang bahagi ng three-heat swimming competition sa kanyang dalawang minuto at 6.38 segundo upang tumapos ng 15th over all.
Noong Huwebes ay lumahok si Lacuna sa 100 meter free ngunit tumapos lamang sa pang-19th na puwesto sa kompetisyong nilahukan ng 54 na swimmer.
Tinapos naman ni Jasmine Alkhaldi ang kanyang kampanya sa pagpuwesto sa 17th place sa 50 meters free sa oras na 27.10 seconds.
Kagaya nila Lacuna at Alkhaldi, nabigo rin sina taekwondo jin Kirk Barbosa, netter Jeson Patrombon at weightlifter Patricia Llena sa kani-kanilang kampanya sa kauna-unahang edisyon ng Youth Olympics.
Ang pambato naman ng Pilipinas sa 3-on-3 basketball na sina Bobby Ray Parks Jr., Jeron Teng, Cris Tolomia at Michael Pate ay nalaglag na rin matapos magtala lamang ng isang tagumpay laban sa South Africa at nabigo sa US Virgin Ilands, Spain at Croatia.
Ngunit may pagkakataon pa ang RP cagers na magbigay karangalan sa bansa sakaling magtatagumpay sila laban sa mas matatangkad na manlalaro mula sa Central African Federation.
Kung mananalo sila dito ay kakaharapin nila ang mananalo sa pagitan ng Iran at New Zealand para sa tsansa na tumapos sa ika-siyam na puwesto sa susunod na round.
Kabilang sa consolation bracket ang ibang top teams kagaya ng Egypt, Puerto Rico, Virgin Islands at Turkey.
- Latest
- Trending