Yapak ni Flash Elorde nais sundan ni Nietes
MANILA, Philippines - Hindi alintana ni WBO champion Donnie Nietes kung magtagal man siya sa minimumweight division.
Sa pagharap nito sa mga mamamahayag kahapon sa press lunch na handog ng GMA Network, sinabi ng 28-anyos na si Nietes na hindi mahalaga kung hindi na siya makaangat ng timbang dahil nasa adhikain niya na maging pinakamahabang world champion na naghari sa bansa gaya ng tinaguriang ‘Boxing Legend’ na si Gabriel ‘Flash’ Elorde.
Si Elorde ang siyang may record sa bagay na ito nang mapagharian niya ang lightweight division ng pitong taon mula 1960 hanggang 1967.
May apat na taon nang kampeon si Nietes sa 105 division dahil taong 2006 niya kinuha ang bakanteng titulo nang talunin si Pornsawan Porpramook ng Thailand na ginawa sa Waterfront Hotel sa Cebu.
“Iniidolo ko si Flash Elorde at nais kong malampasan ang kanyang record bilang pinakamahabang world champion ng bansa. Naniniwala akong mangyayari ito dahil may disiplina ako at determinadong maabot ito,” wika ni Nietes.
Isang dating care taker lamang ng ALA Boxing gym si Nietes pero ngayon ay tinitingala na sa mundo ng propesyonal na boxing.
“Masayang-masaya nga ako dahil ngayon lamang ako nakaranas ng ganitong mainit na pagsalubong at pinasasalamatan ko nang husto ang GMA dahil sila ang talagang sumuporta sa akin,” dagdag pa ni Nietes.
Ang pagpupugay ay isinagawa matapos mapagtagumpayan ni Nietes na maidepensa ang hawak na titulo sa ikaapat na pagkakataon nang talunin si Mario Rodriguez nitong Agosto 14 sa Sinaloa, Mexico sa pamamagitan ng split decision.
- Latest
- Trending