MANILA, Philippines - Pinakamalakas na koponan sa kalalakihan ang ipadadala ng Pilipinas sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Lahat ng limang kasapi ng koponan ay pawang mga Grandmasters at ang mga ito ay masasalang din sa mga bigating kompetisyon sa pangunguna ng 39th World Chess Olympiad sa susunod na buwan upang matiyak na nasa pinakamagandang kondisyon ang mga ito pagpasok sa Asian Games.
“Definitely, we have better chances of winning a medal in Guangzhou. We have lined up our top GM players in the team with Super GM Wesley So leading the way,” wika ni National Chess Federation Philippines (NCFP) president Prospero Pichay nang dumalo sa PSA Forum kasama sina Asian Chess Federation official Toti Abundo, at NCFP executive director Willie Abalos.
Maliban kay So na lalaro sa board one, ang iba pang kasapi ay sina Joey Antonio sa board 2, John Paul Gomez sa board 3, at Darwin Laylo sa board 4. Si Eugene Torre na siyang kauna-unahang GM sa Asia ang pamalit.
Ang kababaihan naman ay kakatawanin nina Chardine Cheradee Camacho, Shercila Cua, Catherine Perena, Ellen Jose at Jedara Docena na alternate player.