Vietnam sasabak sa Pichay at Campomanes tourney
MANILA, Philippines - Ipapadala ng Asian chess powerhouse na Vietnam ang dalawa sa kanilang pinakamagagaling na manlalaro nila para sa paparating na dalawang bigating chess tournament na gaganapin sa Pilipinas.
Kakatawanin nina GM's Le Quang Liem at Nguyen Truong Son ang Vietnam para sa ikaanim na edisyon ng Prospero Pichay Cup International Chess Championship na gaganapin Agosto 21-26 at ang kauna-unahang Florencio Campomanes Memorial Chess Tournament na gaganapin naman sa Agosto 28 hanggang Setyembre 4 sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Ang 19-anyos na si Le ay nakilala ng kanyang pagtagumpayan ang ika-siyam na Aeroloft Open sa Moscow noong Pebrero at ng tumapos siya sa pakikipagtabla sa unang puwesto kasama ang apat na players sa Moscow Open.
Si Nguyen naman ay kagagaling lamang sa isang runner-up finish sa katatapos na 2010 Biel Open Chess Championships. Nagtapos rin si Nguyen sa ikalimang puwesto sa Aeroloft Open.
Maliban kina Nguyen at Le, ang iba pang dayuhang woodpushers na lalahok sa dalawang chess tourney na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) ay sina Chinese GM's Ni Hua, Li Chao at Zhao Jun, Aleksei Aleksandrov ng Belarus, Murtas Kazhgalayev ng Kazakhstan, Anton Filipov ng Uzbekistan, Tamaz Gelashvili at Merab Gagunashvili ng Georgia, Ehsan Ghaemmaghami ng Iran, Humpy Koneru at Chanda Sandipan ng India, Tigran Kotanian ng Armenia, Zhang Zhong ng Singapore at Eduardo Itturizaga ng Venezuela.
- Latest
- Trending