Gilas 4th placer sa Stankovic Cup
BEIRUT, Lebanon --- Tumapos bilang fourth-placer ang Smart Gilas matapos mabigo sa Qatar, 75-80, sa 2010 FIBA-Asia Stankovic Cup.
Dinomina ng Nationals, nanggaling sa 80-81 pagyukod sa Lebanese, ang first hanggang third quarter hanggang kumulapso sa fourth period na sinamantala ng Qataris.
“Even if we finished fourth, I am satisfied,” sabi ni Smart Gilas coach Rajko Toroman. “We lost two matches to Lebanon and Qatar in games we were so close to winning.”
Nakamit ito ng Nationals mula sa pagbibida ni 6-foot-9 Fil-Tongan Asi Taulava na sumalo sa trabaho nina 6’10 naturalization candidate Marcus Douthit, seven-foot Greg Slaughter at 6’6 Rabeh Al-Hussaini.
“Lebanon has the strongest team ever and despite all the advantages they have, they beat us by only one point. Everybody here is impressed with our team,” dagdag ng Serbian mentor.
Ang Lebanon ang nagkampeon sa torneo makaraang igupo ang Japan, 97-59, sa kanilang title showdown.
Tumipa si Mac Baracael ng 21 points para sa Smart Gilas kasunod ang 16 ni Fil-Am guard Marcio Lassiter, 13 ni team captain Chris Tiu at 10 ni 6’7 Japeth Aguilar.
Kabilang sa mga ginulat ng Nationals sa torneo ay ang dating kampeon at World Championship-bound Jordan, 75-71, sa elimination round at ang 2008 Olympic Games qualifier Iran, 79-67, sa quarterfinals.
Bukod kay Taulava, umaasa rin si Toroman na makakahiram pa ang Smart Gilas ng dalawa pang PBA cagers para sa darating na 2010 Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
- Latest
- Trending