PVF may bagong national coaches
MANILA, Philippines - Itinalaga ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang bagong men’s at women’s national coaches na pipili sa mga miyembro ng national teams.
Ayon kay vice-president Gener Dungo, hinugot nila ang head coach ng University of Santo Tomas na si Cesael Delos Santos na siyang gigiya sa men’s team habang pinalitan naman ni Sammy Acaylar si Thelma Barina-Roxas na siya namang mentor para sa women’s squad.
“This is a good start for us to rebuild the men’s and women’s national teams”, ani Dungo, kung saan ipinabatid din niya sa board member at Adamson coach na si Dulce Pante, na itinalaga naman siya ng PVF board bilang national team committee head.
Ayon pa kay Dungo, matapos ang huling pa-tryout nitong August 5 na dinaluhan ng mahigit sa 70 men at 60 women, pipili ang bagong mga coaches ng 14 na manlalaro sa bawat pool ng mga aspirante base sa kani-kanilang kriterya. At ang final na 14-man line-up sa dalawang squad ay kanilang ihahayag agad.
Makakasama ni Delos Santos ang assistant coach na si George Pascua at trainer Edgar Barroga, habang makakatulong naman ni Acaylar sina coaches Boyet Del Moro at Ronald Dulay.
Itinalaga rin si Barroga bilang youth girls’ coach, habang si Alegro Carpio ang hahawak naman sa boys team.
Bukod sa indoor, napili rin si Carpio na siyang bumalikat sa women’s beach volleyball national team at mananatili naman si Nonoy Lopez bilang men’s national beach volleyball coach, ayon pa kay Dungo.
- Latest
- Trending