MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkakataon, muling itataya ni Filipino world minimumweight champion Donnie “Ahas” Nietes ang kanyang korona sa Mexico.
Sa kanilang press conference kahapon sa Mariscos La Bahia Restaurant sa Guasave, Sinaloa, Mexico, sinabi ni Nietes na hindi siya natatakot na dumayo sa Mexico upang itaya ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown.
“I am not in any way afraid of my opponent,” sabi ng 28-anyos na si Nietes, nakatakdang sagupain si Mexican challenger Mario “El Dragoncito” Rodriguez bukas sa Luis Estrada Medina Stadium sa Sinaloa, Mexico.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na itataya ng tubong Murcia, Negros Occidental ang kanyang hawak na WBO minimumweight title.
Matapos biguin si Pornsawan Porpramook via unanimous decision para sa dating bakanteng WBO minimumweight belt noong Setyembre 30, 2007 sa Cebu City, dalawang sunod na naidepensa ang naturang titulo.
Tinalo ni Nietes si Eddy Castro via second-round KO noong Agosto 30, 2008 sa Cebu at umiskor ng isang unanimous decision kay Erik Ramirez noong Pebrero 28, 2009 sa Oaxaca, Mexico bago isinunod si Manuel Vargas sa bisa ng isang split decision noong Setyembre 12, 2009 sa Nayarit, Mexico.
Kasalukuyang tangan ni Nietes ang 26-1-3 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs kumpara sa 10-5-3 (7 KOs) ng 21-anyos na si Rodriguez, ang Continental American champion.