Romasanta pinalagan si GTK
MANILA, Philippines - Bago magreklamo si athletics chief Go Teng Kok ay dapat muna niyang suriin ang nakaraang performance ng kanyang mga atletang gustong isama sa delegasyon para sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Ito ang sinabi kahapon ni Chef De Mission Joey Romasanta hinggil sa pagkondena ni Go, pangulo ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA), sa kanyang pinamumunuang working committee para sa 2010 Guangzhou Asiad.
Ayon kay Romasanta, hindi niya maaaring isama sa national contingent ang anim pang atletang gustong isabak ni Go sa nasabing quadrennial event.
“Kung natatandaan sana niya, at aming ipinaliwanag na hindi komo gold medalist ka sa Southeast Asian Games ay automatic na kasali sapagkat kailangang makita rin natin kung ano ang pruweba,” ani Romasanta kay Go. “Kung malayo rin naman ang tiyempo o oras mo, bakit naman natin ilalahok pa.”
Tanging sina Marestella Torres at Henry Dagmil ang ibinilang ng working committee ni Romasanta sa 126 national athletes mula sa 27 National Sports Associations (NSA) na isasabak sa 2010 Guangzhou Asiad.
Sinabi naman ni Go na gusto rin niyang maisama sa Guangzhou ang mga SEA Games gold medalists na sina Eduardo Buenavista, Jho-Ann Banayag, Rene Herrera, Arniel Ferrera, Danilo Fresnido at Lucy Villarito.
“I have seven gold medalists in the last SEA Games bakit hindi naman sila isinama,” reklamo ni Go kay Romasanta.
- Latest
- Trending