Top spots pakay ng Lady Stags, Eagles
MANILA, Philippines - Sa pagsasara ng elimination round ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7, dalawang koponan ang nag-aasam na maangkin ang unang puwesto.
Haharapin ng San Sebastian- Excelroof ang Far Eastern University sa pambungad na bakbakan sa alas-2 habang magtitipan naman ang Ateneo at Adamson sa main event sa alas-4 sa The Arena sa San Juan.
Tangan ng Lady Eagles at Stags ang 5-1 na panalo-talo kartada at kasalukuyang nagsasalo sa unahan ng team standings habang ang Lady Falcons at Tams naman ay pawang nagsasalo sa ikalawang puwesto sa kanilang magkaparehong 4-2 record.
Ang huling tagumpay ng Ateneo at San Sebastian ay pawang mula sa kanilang pagdurog sa NU.
Sa kanilang pagharap laban sa mga taga-Morayta, muli na namang aasa ang koponan ni Roger Gorayeb kina Thai import Jeng Bualee at Suzanne Roces, mainstays Joy Benito, Melissa Mirasol, Elaine Cruz at Bamcie Belen na sasagupain sina Michelle Carolino, Rachelle Anne Daquis, Cherry Mae Vivas, Gyzelle Sy at Monique Tiangco.
Muli na namang sasandig ang Katipunan-based spikers kina Thai reinforcement Surasawadee Boonyuen, Alyssa Valdez, Fille Cainglet, Angeline Gervacio at Gretchen Ho laban kina former MVP Nene Bautista, Mic Mic Laborte, Pau Soriano, Angela Benting at Gail Martin.
Tanging ang placing na lamang ang pinaglalabanan ng apat na koponan dahil sila ay kuwalipikado na sa quarterfinals kasama ang Lyceum. Tanging ang magtatagumpay na lamang sa knock out match ng Perpetual at NU ang sasama sa lima pang koponan sa susunod na bahagi ng torneo.
- Latest
- Trending