RP pugs 'di na tuloy sa Wild Card Gym
MANILA, Philippines - Hindi na matutuloy ang gagawing pagsasanay ng Pambansang boksingero na naghahanda para sa Asian Games sa Nobyembre sa Wild Card Gym na pag-aari ni Freddie Roach.
Sa pagdalo ni ABAP executive director Ed Picson sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon, sinabi niya na hindi na matutuloy ang naunang plano dahil abala si Roach sa pagsasanay kay Julio Cesar Chavez Jr. na lalaban sa Mexico sa Setyembre 11.
Pero makakatiyak pa rin na maraming matututunan ang ipadadalang 11 boxers sa US sa kalagitnaan ng buwang ito dahil magsasanay sila sa Undisputed Gym na siyang pinagsasanayan ni Nonito Donaire Jr.
Aalis ang koponan sa Agosto 19 at mamamalagi hanggang Setyembre 6 at ang mga makakasama ay sina Victorio Saludar, Rey Saludar, Charly Suarez, Gerson Nietes, Recky Dulay, Joegin Ladon at Delfin Boholst sa kalalakihan habang sina Alice Kate Aparri, Josie Gabuco, Annie Albania at Nesthy Petecio ang sa kababaihan.
Unang magsasanay ang koponan sa University of San Francisco na ang boxing team ay hawak ng Filipino coach na si Angelo Merino.
Ang pagsasanay ng koponan ay bahagi pa rin ng paghahanda ng ABAP para sa Guangzhou Asian Games at pakay nilang higitan ang dalawang ginto na nakuha ng bansa sa Doha Games na hatid nina Violito Payla at Joan Tipon.
Matapos ang pagsasanay ay tutulak ang women’s team sa World Women’s Boxing Championships sa Bridgetown, Barbados na kung saan si Albania ay magtatangka na mahigitan ang silver medal na nakuha sa huling edisyon ng kompetisyon.
- Latest
- Trending