BEIRUT, Lebanon --- Matapos ilampaso ng Lebanon, bumawi naman ang Smart Gilas nang igupo ang Syria, 81-67, mula sa pagbibida nina team captain Chris Tiu at Fil-Tongan Asi Taulava sa Group B ng 2010 FIBA-Asia Stankovic Cup dito.
Tumipa si Tiu ng siyam sa kanyang14 points sa third quarter, habang humakot naman ang 6-foot-9 na si Taulava ng 16 points, 19 rebounds at 2 blocks.
Nanggaling ang Nationals sa 59-74 pagyukod sa Lebanese sa kanilang unang laro.
Mula sa 35-40 agwat sa halftime, inagaw ng Smart Gilas ang 63-53 lamang sa third quarter kontra Syria buhat sa siyam na puntos ni Tiu.
Ang 38-anyos na si Taulava ang hinugot ng Smart Gilas matapos magkaroon ng problema sa pagkuha ng kanilang Philippine passport sina naturalization candidate 6’9 Marcus Douthit, 7-foot Fil-Am Greg Slaughter at 6-7 Rabeh Al-Hussaini.
Nagdagdag naman sina Mark Barroca at Mac Baracael ng 16 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, samantalang kumolekta si 6’9 Japeth Aguilar ng 6 points, 4 blocks, 3 rebounds at 2 assists.
Nakatakdang sagupain ng Smart Gilas ang Jordan, nanggaling sa 59-63 pagkatalo sa bigating Qatar, para sa kanilang ikatlong laban sa torneo.
Nagmula ang Syria sa 75-83 kabiguan sa Qatar.
Sa Group A, binigo ng Chinese-Taipei ang Kazakhstan, 80-64, habang giniba naman ng paboritong Iran ang Japan, 72-68.