MANILA, Philippines - Sa edad niyang 37 ay nangangarap pa rin si Benjie Tolentino na mapasama sa 2010 Asian Games.
Tiwala pa si Tolentino na maaabot ang pangarap lalo nga’t patuloy umano ang kanyang pag-unlad kung paglalaro sa rowing ang pag-uusapan.
“Napaganda ang paglipat ko mula sa open class tungo sa lightweight singles scull dahil mas napaganda ako sa timbang na ito,” wika ng 6’2” na si Tolentino na kumampanya sa open division noong 2000 Sydney Games.
May tatlong ginto sa 2005 Manila SEA Games at dalawa pa sa 2007 Thailand SEAG, si Tolentino ay isa sa tatlong rowers na kakampanya para sa bansa sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Ang iba pang makakasama niya ay ang 31-anyos na si Alvin Amposta at bagitong 19-anyos Roque Abala Jr. nang kanilang malampasan ang Asian Games standard na ginawa ng Philippine Rowing Federation at sinang-ayunan ng Philippine Olympic Committee.
Aminado ang mga nabanggit na rowers na mabigat ang kinakaharap na laban sa Asian Games dahil bukod sa malalakas ang China, Iran, Hong Kong at Japan ay wala rin gaanong international exposure silang natanggap.