Smart Gilas pisak sa Lebanon sa Stankovic Cup
BEIRUT, Lebanon -- Maski ang pagpaparada kay 6-foot-9 Fil-Tongan Asi Taulava ay hindi nakatulong sa Smart Gilas Pilipinas.
Sa likod ng mga beteranong sina Rony Fahed, Lebanese-Canadian Ali Mahmoud at Ghaleb Reda, inilampaso ng Lebanon ang Smart Gilas, 74-59, sa Group B sa pagsisimula ng FIBA-Asia Stankovic Cup dito.
Lima sa kabuuang10 three-point shots ng Lebanon ay nagmula kay Fahed para tumapos na may 23 points kasunod ang tig-12 nina Mahmoud at Reda.
Nalimita naman si Jackson Vroman, isang American na naging naturalized Lebanese, sa 7 points mula na rin sa depensa ng 38-anyos na si Taulava.
Nagtala si Taulava, ipinahiram ng PBA at ng Coca-Cola sa Smart Gilas, ng 7 points, 8 rebounds, 2 steals at 1 assists sa halos 32 minuto sa sahig.
Si Taulava ang sumalo sa naiwang trabaho nina naturalization candidate Marcus Douthit, seven-foot Fil-Am Greg Slaughter at 6-7 Rabeh Al-Hussaini.
Wala pang nakukuhang Philippine passport ang 6’9 na si Douthit, habang may mga academic commitments naman sina Slaughter at Al-Hussaini, naging sandata ng Ateneo Blue Eagles sa pagiging back-to-back champions sa UAAP.
Kasalukuyan pang nilalabanan ng Smart Gilas ang Syria habang isinusulat ito.Lebanon 74 - Fahed 23, Reda 12, Mahmoud 12, Fakhreddine 7, Vroman 7, Stephan 5, El Khatib 4, Rustom 2, Samaha 2, El Nour 0, Kanaan 0.
Philippines 59 - Casio 15, Baracael 14, Ababou 8, Taulava 7, Barroca 7, Lassiter 6, Tiu 2, Ballesteros 0.
Quarterscores: 18-11, 31-20, 51-40, 74-59.
- Latest
- Trending