Hanggang ngayon ay marami pa rin ang hindi makapaniwalang nabigo ang Talk N Text na makarating sa best-of-seven championship round ng PBA Fiesta Conference.
Kasi nga, sa sobrang lakas ng team na ito, na lalong pinatindi ng pagkakakuha ng Tropang Texters kina Kelly Williams at Ryan Reyes sa kalagitnaan ng elimination round, maraming nagpalagay na tiyak na magkakampeon ang Talk N Text.
Hindi nga ba’t sa isang yugto ng elims ay nakapagtala ang Talk N Text ng 13-game winning streak? Napatid lang ito nang maungusan sila ng B-Meg Derby Ace sa isang out-of-town game. Pero kaagad na nakabawi ang Tropang Texters nang durugin nila ang Barako Coffee upang wakasan ang double round elims schedule sa record na 15-3.
Sa totoo lang, bago na-break ang winning streak, marami din ang nagsabing puwede nilang malampasan (sana) ang record ng Crispa na 19 straight wins.
Kung hindi sila natalo sa B-Meg Derby Ace, bale 15-0 na sana ang kanilang streak. Pagkatapos ay wawalisin nila ang semis, 4-0 upang mapantayan ang record ng Crispa. Pagkatapos ay magwawagi sila sa Game One ng Finals upang malampasan ang record ng Redmanizers.
Pero hindi na nga umabot doon. Natalo sila sa Llamados at napatid ang streak. At okay lang iyon dahil sa kahit paano’y nawalan sila ng karagdagang pressure. Tanging ang pagtugis sa kampeonato na lang ang kanilang pagtutuunan ng pansin.
Pero pati sa misyong iyon ay nabigo din sila!
Patunay lang ito na hindi ginagarantiyahan ng isang malalim na bench ang tagumpay ng isang team. Kahit pa pagsama-samahin ang 15 na pinakamahusay na players sa isang team, posible pa rin itong masilat.
Iyan naman ang pinatunayan ng Alaska Milk laban sa Talk N Text.
At tila iyan muli ang nais na patunayan ng Aces kontra isa pa’ng powerhouse team, ang San Miguel Beer sa Finals.
Kasi nga, ang inaasahan ng karamihan ay San Miguel at Talk N Text ang magtatagpo sa Finals. Kapwa kasi matindi ang line-ups ng dalawang koponang ito. Kung ang isa’y kasing-lalim ng Pacific Ocean, ang isa’y kasing-lalim naman ng Atlantic Ocean!
Sa isang banda, nagsilbing babala sa Beermen ang panalo ng Aces sa Tropang Texters.
Hindi puwedeng ipagpalagay ng Beermen na angat sila sa Aces bunga ng kanilang mas malalim na bench at ito ang inuukilkil ni coach Bethune “Siot” Tanquingcen sa kanyang mga bata.
Aniya, “Kung kinse-kinse ang labanan, pasok lahat sabay-sabay ang 15 players, malamang panalo kami. Pero lima-lima lang ang laban dito sa basketball. Yung lima ko, tatapatan ng lima ng Alaska. Parehas lang ang laban.”
Eh sa huling dalawang games nga ng semis na napanalunan ng Alaska Milk, walo lang nga ang ginamit ni coach Tim Cone. Hindi pa kasama dun ang lead center na si Sonny Thoss na may injury.
Kahit sa showbiz, hindi garantiya na ang isang all-star cast na pelikula ay magiging box-office hit!