Lady Pirates bibiyahe na rin sa quarters
MANILA, Philippines - Upang makasama sa mga koponang kuwalipikado na sa quarterfinals, pinadapa ng Lyceum ang National University kamakalawa ng gabi upang maisapormal na ang kanilang pagtuntong sa susunod na yugto ng pangalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan.
Ginapi ng Lady Pirates ang Lady Bulldogs sa loob ng apat na sets, 25-16, 23-25, 25-16 at 25-13 upang makasama sa mga quarterfinalists na San Sebastian, Ateneo, Adamson at Far Eastern University.
Nanguna sa ikaapat na tagumpay ng bataan ni coach Emil Lontoc ang kanyang dalawang guest player na sina Mary Jean Balse at Dahlia Cruz sa kanilang itinalang 20 at 15 points at nagsanib naman para sa 33 sina Joy Cases, Jamie Peña at Marie Casanova.
Nagtala naman ng 14 points para pangunahan ang mga bagitong Lady Bulldogs si Mervic Mangui.
Tinapos ng Lyceum ang elimination round sa kanilang tinipong apat na panalo at tatlong talo habang nahulog naman ang NU sa ikaanim na puwesto sa kanilang 2-5 na record at nalagay sa balag ng alanganin upang makapasok sa quarterfinals dahil nag-aabang ang Perpetual Help na mayroong 1-5 win loss slate.
Sa isa pang laro, nangailangan ng limang sets ang Ateneo para matakasan ang St. Benilde at tuluyan na ring selyuhan ang kanilang puwesto para sa susunod na yugto ng ligang inorganisa ng Sports Vision at iniisponsoran ng Shakey’s Pizza.
Tinalo ng Lady Eagles ang Blazers,19-25, 25-18, 20-25, 25-23, 17-15.
- Latest
- Trending