Lady Tams may tiket na sa quarterfinals
MANILA, Philippines - Isinapormal na ng Far Eastern University ang kanilang pagpasok sa quarterfinals ng ukitin ang kanilang ikaapat na sunod na tagumpay laban sa palaban na Perpetual Help sa loob ng tatlong sets sa pagpapatuloy ng elimination round ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 kahapon sa The Arena sa San Juan.
Naitakas ng Lady Tams ang straight set victory laban sa Lady Altas, 25-23, 26-24, 25-22 upang makipagtabla sa Adamson sa ikalawang puwesto sa kanilang 4-2 win loss card.
Si mainstay Cherry Mae Viva ang siyang nanguna sa atake ng mga taga-Morayta belles sa kanyang kinanang 13 points kabilang ang apat na blocks at nakakuha siya ng ayuda mula kina Michelle Carolino na nag-ambag ng 11 points habang may tig-sampu naman sina Monique Tiangco at Rachelle Anne Daquis.
Nagtala naman ng walong puntos si Sandra Delos Santos habang may tig-pitong puntos lamang sina April Sartin at guest player Nica Guliman para pagbidahan ang mga taga-Las Piñas na natikman ang kanilang ikalimang sunod na pagkabigo matapos ipanalo ang kanilang debut game.
Inangkin ng FEU ang unang set ng magkamit ang UPHSD ng isang error. Sa second set, lumamang ang Lady Altas, 24-22 bagaman walang guest player ngunit nabigo pa rin laban sa eksperyensadong mga Lady Tams.
Sa ikatlong set ay muli na namang nagparamdam ang bataan ni coach Mike Rafael ng makatabla pa sila, 21-all ngunit tuluyan ng bumigay laban sa matinding atake ng mga manlalaro ni coach Nes Pamilar.
“Kumpyansa sila (Lady Tamaraws) masyado. Iniisip nila kayang-kaya yung kalaban kaya nahirapan kami,” pahayag ni FEU head tactician Nes Pamilar hinggil sa pagdikit sa kanila ng Perpetual sa kanilang bakbakan.
- Latest
- Trending