MANILA, Philippines - Sa pagpayag ng FIBA-Asia sa paghugot ng Smart Gilas kay Asi Taulava para sa darating na Stankovic Cup, umaasa ang Samahang Basketbnol ng Pilipinas (SBP) na ito rin ang gagawin ng Philippine Basketball Association (PBA) at ng Coca-Cola.
Ang 6-foot-9 Filipino-Tongan na si Taulava ang makakatuwang ng Smart Gilas para sa naturang torneo sa Agosto 7-15 sa Beirut, Lebanon.
“We have asked permission from Coke and the PBA, we hope they’ll allows us to use Asi,” wika kahapon ni Smart Gilas team manager Frankie Lim kay Taulava na inaasahang sasapo sa maiiwang trabaho ni naturalization candidate Marcus Douthit.
Maliban sa 6’9 na si Douthit, may problema rin sa passport si Fil-Am Chris Lutz, samantalang may tinatapos pa sa kanilang pag-aaral sina 6’6 Rabeh Al-Hussaini at 7’0 Greg Slaughter.
Maiiwan sa shaded lane para sa Nationals sina 6’7 Japeth Aguilar at 6’6” Jason Ballesteros.
Kasama ng Nationals sa Group B sa Stankovic Cup ang Lebanon, Jordan, Qatar at Syria, habang nasa Group A naman ang Asian champion Iran, Japan, Kazakhstan at Chinese Taipei.