Donaire gustong lumaban sa undercard ni Pacquiao
MANILA, Philippines - Bagamat sinabi na ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na sa Disyembre pa siya makakalaban, iginiit kahapon ni interim super flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. na gusto pa rin niyang maging undercard sa laban nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito sa Nobyembre.
“This thing is long overdue. I’ve been with them for two years na eh, and not one instance na naging undercard ako ni Manny. So I want to keep pushing it kahit na isang beses lang,” sabi ni Donaire kahapon sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Sa paglipat niya sa Top Rank ni Arum noong 2008, umaasa ang 27-anyos na tubong Talibon, Bohol na mapapasama siya sa undercard ng Congressman ng Sarangani sa paglaban nito kay Margarito sa Nobyembre 13.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Arum na sa Disyembre pa niya maihahanap ng laban si Donaire, tinalo si Mexican challenger Hernan “Tyson” Marquez via eight-round TKO noong Hulyo 10 sa Coliseo Jose Miguel Agrelot sa Hato Rey, Puerto Rico para mapanatiling suot ang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title.
Sa kanyang pag-akyat sa bantamweight o super bantamweight division, ang Mexican world bantamweight champion na si Fernando “Cochulito” Montiel at ang Puerto Rican super bantamweight titlist na si Wilfredo Vazquez, Jr. ang gustong hamunin ni Donaire.
Asam ni Donaire na maidagdag ang mga titulo nina Montiel at Vasquez sa kanyang mga nasikwat na International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles kay Vic Darchinyan na kanyang tinalo via fifth round TKO noong Hulyo 7, 2007.
Si Montiel ang World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight king, habang si Vasquez ang WBO super bantamweight ruler.
Bitbit ni Donaire ang kanyang 24-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 16 KOs, habang dala ni Montiel ang 41-2-2 (31 KOs) slate at tangan ni Vasquez ang 19-0-1 (16 KOs ) card.
- Latest
- Trending