MANILA, Philippines - Hindi masisisi si FEU coach Glen Capacio kung sa kanyang palagay ay pinakamahusay na pointguard ang kanyang sophomore player na si Ryan Roose Garcia.
Si Garcia ay kumana uli ng magandang laro laban sa La Salle at Adamson noong nakaraang linggo at ang Tamaraws ay hindi pa rin natatalo matapos ang anim na sagupaan.
Sa puntong patalo na nga ang Tamaraws dahil angat ng dalawa ang Archers sa regulation ay nakaagaw si Garcia sa huling 9.2 segundo upang makatabla pa ang koponan bago naihirit ang 84-80 tagumpay sa larong umabot sa dalawang overtime.
Tila walang kapaguran si Garcia dahil laban sa Falcons ay naipakita pa rin niya ang kanyang intensidad upang maigiya ang koponan sa 74-65 panalo.
Nagtala ng averages na 17 puntos, 3.5 assists, 3 rebounds at 1.5 steals bukod sa isang block si Garcia sa dalawang larong ito para mailapit sa isang laro pa ang Tamaraws tungo sa 7-0 sweep sa first round.
“For me, he is the best point guard in college basketball today,” wika nga ni Capacio. “He is playing consistent basketball and makes his teammates better.”
Suportado naman si Capacio ng mga UAAP scribes dahil ang tubong Zamboanga na si Garcia ang siyang hinirang bilang Accel-FilOil UAAP Player of the Week.
Lalabas na si Garcia ang kauna-unahang manlalaro sa liga na nakadalawang POW award na suportado rin ng Terrilicious meat products at Gatorade dahil siya rin ang napili sa unang linggo ng liga.
Tinalo ni Garcia para sa parangal sina Eric Salamat ng Ateneo at Paul Lee ng UE.