MANILA, Philippines - Alam ni Marites Bitbit kung ano ang hirap ng kalooban ng isang siklista na hindi makalaro sa isang malaking kompetisyon.
“Ayaw ko na ngang tingnan ang bisikleta ko. Pero unti-unti ay nakarekober ako at naisip ko na ang cycling ang career ko,” wika ni Bitbit na ang tinutukoy ay nang hindi siya makasali sa 2009 Laos SEA Games dala ng politika sa cycling ng bansa.
Lumabas si Bitbit kasama ang ibang siklistang nakapasa sa unification tryouts noong nakaraang buwan upang hingiin sa Philippine Olympic Committee (POC) ang katiyakan na maipapadala sila sa Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Ang unified tryouts ay nilahukan ng mga siklista buhat sa dalawang cycling groups, ang Philcycling at Integrated Cycling Federation of the Philippines at may 35 manlalaro, kasama ang tatlong kababaihan, ang napatala at ipinasa sa POC office kahapon ng umaga.
Nangangamba ang mga siklista na maulit ang bangungot ng 2009 SEAG dahil sa pagkakaroon uli ng bagong president ng ICFP na siyang may basbas ng POC.
Si Philip Ella Juico na dating PSC chairman at kilalang malapit sa Pangulong Benigno Aquino III ang iniluklok ng ICFP bilang kanilang ikatlong pangulo kasunod nina Rolando Hiso at Mikee Romero.
Aligaga ang mga siklista dahil may balitang nais ni POC president Jose Cojuangco Jr. na magkaroon ng unified election ang dalawang grupo para maisaayos ang problema.
Ang Philcycling ay pinamumunuan ni Tagaytay Mayor Abraham Tolentino at siyang may basbas ng international cycling body na UCI at tiyak na hindi siya papayag sa isang bagong eleksyon.
Nauna nang tiniyak ni Tolentino ang paggawad niya ng UCI licenses sa mga papasang siklista sa tryouts pero hindi malayong bawiin niya ito kung magmamatigas uli ang POC sa kautusan ng isang bagong eleksyon.