MANILA, Philippines - Dumiretso sa kanilang pang anim na sunod na panalo ang Stags, habang sinikwat naman ng Cardinals ang kanilang ikalawang dikit na tagumpay.
Sumandig ang nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos sa foul shot ni Anthony Del Rio para takasan ang College of St. Benilde, 75-74, at angkinin ang pangunguna sa first round ng 86th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ikalawang laro, sumandal naman ang Mapua Institute of Technology kina Mark Acosta, Rodel Ranises, Erwin Cornejo at Jonathan Banal sa second half upang ipagpag ang Emilio Aguinaldo College, 82-68.
Tumipa si Acosta ng 14 marka para sa Cardinals kasunod ang 13 ni Ranises, 11 ni Cornejo at 9 ni Banal, ang 2007 NCAA Rookie of the Year awardee.
May 6-0 rekord ngayon ang San Sebastian kasunod ang San Beda College (5-0), Jose Rizal University (4-2), Mapua (4-2), Arellano University (2-3), St. Benilde (1-3), EAC (1-4), Letran College (1-4) at University of Perpetual Help-System Dalta (0-6).
Halos masayang ang ipinosteng 17-point lead, 78-51, ng Stags sa third period nang pangunahan ni Carlo Lastimosa, pamangkin ni dating PBA star Jojo Lastimosa, ang pagbangon ng Blazers sa fourth quarter.
Sa kabila nito, naibigay pa rin ng San Sebastian ang kanilang belated birthday present kay head coach Ato Agustin, nagdiwang ng kanyang ika-47 kaarawan noong Linggo, matapos ang freethrow ni Del Rio.
Kumabig sina Calvin Abueva at Pamboy Raymundo ng tig-12 points para pamunuan ang Stags.