King tiwalang makukumbinsi si Mayweather na lumaban kay Pacquiao

MANILA, Philippines - Kung may tao mang gustong maitakda ang laba­­nan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr., ito ay ang pamosong promoter na si Don King.

Sa kanyang pakikisalamuha sa 33-anyos na si Mayweather sa Florida, USA, sinabi ni King na kumpiyansa siyang makukumbinsi niya ang American six-time world boxing champion na labanan ang 31-anyos na si Pacquiao.

“We’ve been talking about his future and where he wants to go and what he wants to do. Right now he’s not sure what he wants to do,” ani King, naging promoter ni dating world heavyweight champion Mike Tyson.

Katulong ni Mayweather sa kanyang Mayweather Promotions si Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions na karibal ng Top Rank Promotions ni Bob Arum na promoter ni Pacquiao.

Matatandaang hindi pinirmahan ni Mayweather ang ipinadala sa kanyang fight contract ni Arum para sa kanilang inaabangang megafight ni Pacquiao sa Nob­yembre 13 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

“For him it’s all a matter of the disrespect that he’s feeling and them not listening to him,” sabi ni King kay Mayweather.

Sa pag-atras ni Mayweather, kinuha ni Arum si Mexican Antonio Margarito para makasagupa ni Pacquiao.

Tangan ni Pacquiao ang 51-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 39 KOs kumpara sa malinis na 41-0-0 (25 KOs) card ni Mayweather at bitbit na 38-6-0 (27 KOs) slate ng 32-anyos na si Margarito.

Kaugnay nito, tiwala naman si HBO ringside scorer Harold Lederman na maitatakda ang Pacquiao-Mayweather showdown sa 2011.

Show comments