Thai boxer pinatulog ni Lopez, kampeon pa rin

MANILA, Philippines - Napanatili ni Silvester Lopez ang kan­yang WBC International super flyweight ti­tle nang kanyang patulugin ang dating WBC interim champion Wandee Singwan­cha sa second round na idinaos nitong Sa­bado ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Si Wandee na dating naghari sa light flyweight division ay bumagsak nang ta­maan ng solidong counter left hook. Na­kabangon man ay hindi na nilubayan ni Lopez ang nasaktang kalaban at isang kanan ang nagpahalik uli sa ring kay Wan­dee.

Dala nito ay mas minabuti na ni referee Gene Del Bianco ng US na itigil ang laba­nan sa 2:10 ng ikalawang round.

Ang panalo ng 22 anyos na si Lopez na hawak ni Gabriel “Bebot” Elorde ay kan­yang ika-14 sa 17 laban bukod pa sa 10 KO habang ang 30 anyos na si Wandee ay kanyang ika-12 sa 76 laban na kinatam­pukan din ng 63 tagumpay.

Ito ang ikalawang pagdepensa ni Lopez sa titulong pinanalunan kay Jong-nam Park noong Abril 5, 2009 sa pamamagitan ng eight round TKO sa Ynares Sports Arena.

Ang unang pagdepensa niya ay laban naman kay Katsumi Makiyama noong Nobyembre 28 na yumukod din sa pamamagitan ng fifth round TKO.

Nagpasikat din si Ryan Bito nang kunin ang 10th round TKO panalo kay Sooksan Caichan Saenmuangloie ng Thailand para sa WBC international flyweight title.

Mahigpitan ang sagupaan ng dalawa at nakapagdomina lamang si Bito sa 10th round nang hindi niya lubayan ng sun­tok ang tila kukulapso ng si Sooksan dahilan upang itigil na rin ni Del Bianco ang laban.

Bigo naman si Warlito Parrenas nang lumasap ito ng seventh round TKO kabi­guan kay Jonathan Tacuning para maisubi ang bakanteng WBC international light fly­weight title.

Naisulong ni Tacuning ang malinis na karta sa 7-0 bukod sa isang tabla at naiakyat din niya ang KO record sa lima.

Show comments