Thai boxer pinatulog ni Lopez, kampeon pa rin
MANILA, Philippines - Napanatili ni Silvester Lopez ang kanyang WBC International super flyweight title nang kanyang patulugin ang dating WBC interim champion Wandee Singwancha sa second round na idinaos nitong Sabado ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Wandee na dating naghari sa light flyweight division ay bumagsak nang tamaan ng solidong counter left hook. Nakabangon man ay hindi na nilubayan ni Lopez ang nasaktang kalaban at isang kanan ang nagpahalik uli sa ring kay Wandee.
Dala nito ay mas minabuti na ni referee Gene Del Bianco ng US na itigil ang labanan sa 2:10 ng ikalawang round.
Ang panalo ng 22 anyos na si Lopez na hawak ni Gabriel “Bebot” Elorde ay kanyang ika-14 sa 17 laban bukod pa sa 10 KO habang ang 30 anyos na si Wandee ay kanyang ika-12 sa 76 laban na kinatampukan din ng 63 tagumpay.
Ito ang ikalawang pagdepensa ni Lopez sa titulong pinanalunan kay Jong-nam Park noong Abril 5, 2009 sa pamamagitan ng eight round TKO sa Ynares Sports Arena.
Ang unang pagdepensa niya ay laban naman kay Katsumi Makiyama noong Nobyembre 28 na yumukod din sa pamamagitan ng fifth round TKO.
Nagpasikat din si Ryan Bito nang kunin ang 10th round TKO panalo kay Sooksan Caichan Saenmuangloie ng Thailand para sa WBC international flyweight title.
Mahigpitan ang sagupaan ng dalawa at nakapagdomina lamang si Bito sa 10th round nang hindi niya lubayan ng suntok ang tila kukulapso ng si Sooksan dahilan upang itigil na rin ni Del Bianco ang laban.
Bigo naman si Warlito Parrenas nang lumasap ito ng seventh round TKO kabiguan kay Jonathan Tacuning para maisubi ang bakanteng WBC international light flyweight title.
Naisulong ni Tacuning ang malinis na karta sa 7-0 bukod sa isang tabla at naiakyat din niya ang KO record sa lima.
- Latest
- Trending