Lady stags inangkin ang unang tiket sa Q'finals
MANILA, Philippines - Tuluyan ng sinikwat ng San Sebastian-Excelroof ang unang quarterfinal spot ng kanilang durugin ang National University sa pagpapatuloy ng aksyon ng second conference ng Shakey’s V-League Season 7 kahapon sa The Arena sa San Juan.
Matapos maputol ang kanilang four-game win streak nitong Huwebes, bumawi ang Lady Stags ng kanilang palugmukin ang Lady Bulldogs sa loob lamang ng tatlong sets, 25-13, 25-18 at 25-14.
Kumayod ng 19 points si Thai reinforcement Jeng Bualee upang pangunahan ang San Sebastian at nagdagdag naman si mainstay Joy Benito ng 10 puntos upang igiya ang SSC-R sa kanilang ikalimang tagumpay sa anim na laro at manatili sa unang puwesto.
Nagtala lamang si guest player Denise Santiago ng siyam na puntos upang pamunuan ang NU habang nalimitahan lamang sa apat na puntos si Mervic Mangui at anim si Maricar Nepomuceno. Nalaglag ang NU sa 2-3 in-loss card.
Sa unang laro naman, nananatiling wala pa ring panalo ang College of St. Benilde matapos silang padapain ng Adamson sa loob lamang ng tatlong set.
Inangkin ng Lady Falcons ang kanilang ika-apat na tagumpay ng kanilang ilista ang 25-23, 25-11 at 25-23 na tagumpay laban sa Lady Blazers na wala pa ring panalo sa loob ng limang laro.
Kumana ng 22 puntos si mainstay Paulina Soriano upang pangunahan ang Adamson na naglaro ng wala ang top defensive stopper na si Mik Mik Laborte habang sinegundahan naman siya nila Angela Benting na kumamada ng 13 at guest player at former MVP Nerissa Bautista na naglista ng 12 puntos habang nagsalo sa 14 puntos sina Gail Martin, Angelica Quinlog at Lourdes Patilano.
Binalikat naman ni mainstay Giza Yumang ang atake ng nangulelat na St. Benilde sa kanyang inirehistrong 15 puntos habang may siyam naman si Cindy Optana at may walo si Rossan Fajardo.
- Latest
- Trending