MANILA, Philippines - Hindi pa rin napipigil ang pananalasa ng Far Eastern University.
Nakitaan ng pinakamagandang paglalaro sa opensa ang Tamaraws para ikasa ang 74-65 panalo sa Adamson upang maisulong sa 6-0 ang kanilang karta sa pagpapatuloy kahapon ng 73rd UAAP men’s basketball sa Philsports Arena sa Pasig City.
May 16 puntos si RR Garcia habang 13 puntos ang ginawa ni Aldrech Ramos na hindi sumablay sa anim na buslo kasama ang isang tres.
May 11 puntos at 10 rebounds si Pipo Noundou habang 10 naman ang ibinigay ni Kens Knuttel para sa Tamaraws na hindi nagkaproblema sa Falcons sa kabuuan ng laro.
Lumayo sa 15 puntos ang Tamaraws sa ikatlong yugto 58-43 at kahit nakadikit pa sa pito, 51-58, ang Falcons ay hindi nataranta ang FEU at nagpakawala ng 14-5 bomba para tuluyang selyuhan ang panalo sa 72-56 bentahe.
Si Christopher Exciminiano ay nagbuhos nga ng anim sa kanyang walong puntos sa pamatay na run upang ipatikim sa Adamson ang ikalawang kabiguan matapos ang anim na laro.
Nakitaan naman ng katatagan ang La Salle upang maisantabi ang paghahabol ng UST para sa 61-53 panalo sa isa pang laro.
Ang panalo na nasabayan ng pagbagsak ng Adamson ay nagresulta upang makuha ng Archers ang ikalawang puwesto sa 4-2 karta.