MANILA, Philippines - Masasaksihang muli ngayong araw ang mga alamat ng Philippine basketball sa kanilang pakikipagharap laban sa mga kabataan na nag-aasam ring maging professional basketball players, ang mga Hoopsters sa Cuneta Astrodome sa ganap na alas-6 ng hapon.
Maglalarong muli ang mga PBA Legends para sa benefit game na inorganisa ni Daniel Razon, ang “Hoopsters Meet The Legends: Kahit Isang Araw Lang” na ang pangunahing layunin ay matulungan ang mga kabataang naghihirap sa buhay para sa libreng edukasyon sa kolehiyo.
Magsisilbing coach para sa Legends si dating Toyota cager Orlando Bauzon habang si Daniel Razon naman ang magiging playing coach ng mga Hoopsters.
Sa pangunguna ni first ever PBA MVP William “Bogs” Adornado, magpapakitang gilas muli sina Freddie Hubalde, Phillip Cezar, Atoy Co, Jerry Codiñera, Vergel Meneses, Jun Limpot, Benjie Paras, Bal David, Kenneth Duremdes at Vince Hizon.
Ipapakita naman ng mga Hoopsters ang kanilang angking galing sa paglalaro ng basketball sa pagbibida nila Big Step, The Spin, Bounce, Target, Jack Hammer, Small Step, The Chief, Nice One, Cyclone, Showdowm, Spitfire at The Kid.
Ang makukuhang pondo mula sa benefit game na ito ay gagamitin upang matulungan ang mga kabataan na mag-aral ng libre sa La Verdad College sa Caloocan City.
Bago ang naturang laro na inorganisa ng UNTV, Sports 37 at ng KAPI, magkakaroon din ng ilang aktibidades sa ganap na alas-4 ng hapon.