MANILA, Philippines - Tatangkain ngayon ng San Sebastian-Excelroof at Ateneo na makabangon matapos nilang matikman ang kani-kanilang unang kabiguan sa pagpapatuloy ng aksyon ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan.
Haharapin ng league-leading Lady Stags ang baguhang National University sa alas-4 habang makikipagtagpo naman ang Lady Eagles sa Lyceum sa isang umaatikabong salpukan sa tampok na laro sa alas-6 ng gabi.
Kung papalaring manalo ang Lady Stags, pormal nilang ookupahan ang unang puwesto sa quarterfinals.
Nalasap ng San Sebastian ang kanilang kauna-unahang kabiguan sa limang laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision at iniisponsoran ng Shakey’s Pizza noong Huwebes ng masilat sila ng Adamson sa limang sets, 16-25, 26-24, 25-23, 16-25 at 15-10.
Yumuko naman ang Lady Eagles sa San Sebastian noong ika-22 ng Hulyo upang matikman ang kanilang unang talo sa loob ng tatlong laro sa loob lamang ng tatlong sets, 22-25, 17-25 at 24-26.
Kasalukuyang hawak ng Lady Stags liderato taglay ang 4-1 win-loss slate habang tangan tangan naman ng Lady Eagles ang 2-1 panalo-talong baraha.
Hahangarin naman ng ADMU na muling makuha ang solong ikalawang puwesto sa kanilang banggaan ng Lyceum. Pangungunahan na namang muli ni Thai import Surasawadee Boonyuen ang atake ng Lady Eagles kasama sina Fille Cainglet, Gretchen Ho, Bea Pascual at Alyssa Valdez.
Maghaharap naman sa pambungad na bakbakan ang Adamson na nanggaling mula sa impresibong panalo laban sa San Sebastian at ang wala pa ring panalong St. Benilde sa alas-2 ng hapon.