MANILA, Philippines - Ipinatikim ng Lyceum ang ika-apat na sunod na kabiguan ng Perpetual Help sa loob lamang ng tatlong sets sa pagpapatuloy ng aksyon ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 kahapon sa The Arena sa San Juan.
Matapos mabigo sa Adamson noong nakaraang Huwebes, bumangong muli ang Lady Pirates ng kanilang igupo ang Lady Altas, 26-24, 25-16, 25-21 upang irehistro ang kanilang ikatlong panalo sa loob ng limang laro.
Nagtala ng 21 points si dating UST Tigress Mary Jean Balse upang igiya sa tagumpay ang tropa ni coach Emil Lontoc habang nakakuha siya ng ayuda mula kina Joy Cases na mayroong 15 points at kapwa guest player Dahlia Cruz na may 11 points.
Nagbida naman para sa bataan ni coach Miguel Rafael si guest player Nica Guliman na mayroong 16 points habang may 14 naman si Sandra Delos Santos.
Bunga ng panalong ito, sumampa ang Lady Pirates sa third spot sa kanilang 3-2 record habang nanatili naman sa ikapitong puwesto ang Lady Altas na matapos maipanalo ang kanilang debut game laban sa Adamson ay nakatikim na ng apat na sunod na talo.
“May advantage kami kasi marami silang maliliit then napuna ko yung receiver nila, nahihirapan sila mag-set, pagdating sa atake hindi naman kami masyadong nahirapan” pahayag ni coach Lontoc hinggil sa magandang opensa ng kanyang koponan.
Tanging sa unang set lamang nakadikit ang mga taga-Las Piñas ngunit matapos noon ay tuluyan ng lumayo ang Muralla-based spikers sa ikalawa at ikatlong sets.
Sa Linggo ay nakatakdang harapin ng Lyceum ang nasa ikalawang puwestong Ateneo na mayroong 2-1 win-loss slate.
Sa ikalawang laro, pinalakas rin ng Far Eastern Lady U ang kanilang kampanya para sa quarterfinals matapos pabagsakin ang National U Lady Bulldogs, 25-11, 25-19, 25-145.