MANILA, Philippines - Muntik ng nauwi sa riot ang tagisan ng Misamis Oriental at M. Lhuillier Kwarta Padala Cebu nang magkasuntukan ang mga manlalaro ng nasabing koponan sa pagtatapos ng 8th leg ng Tournament of the Philippines elimination nitong Martes sa Xavier University Gym sa Cagayan De Oro.
Nasa huling 28 segundo na ang laban nang nagpang-abot sina Ronald Lamocha ng Meteors at Nat Cruz ng Cebu habang sumalo rin sina Hafer Mondragon at Kris Lucernas. Pumasok din sa court ang ibang manonood sa pangunguna ni Meteors reserve Wellan Munoz at umupak din kay Cruz.
Napigil lamang ang gulo at ang pambabato ng mineral water ng home crowd nang makiusap si Meteors coach Jun Noel at TOP official Perry Martinez na itigil ito.
Napilitang umurong sa dugout ang Ninos at minabuti ni coach Raul Alcoseba na ibigay na ang panalo sa MisOr na angat ng 22 puntos, 66-44, bago nangyari ang kaguluhan.
Kinailangan namang ipagamot sa ospital si Cruz dahil sa putok sa batok at pamamaga ng isang mata na tinamaan nang husto matapos itong matumba sa harap ng bench ng Meteors. Ang dalawang koponan ding ito ang magkikita sa Finals nitong Huwebes at isang pagpupulong ng mga opisyal ang ginagawa upang makapaglatag ng mas matinding seguridad upang hindi na maulit ang pangyayari.
Tinapos naman ng Ascof Lagundi ang dalawang dikit na kabiguan sa pamamagitan ng 81-72 tagumpay sa Hobe Taguig sa unang laro.