MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon, muling nakalasap ng kabiguan si Pinoy GM Wesley So sa mga kamay ni GM Anish Giri ng Netherlands sa ikawalong round ng 2010 Biel Young Grandmasters Chess Championship sa Congress State Center sa Switzerland.
Isa sa mga pre-tournament favorites, nagapi si So matapos ang ika-44th move ng Four Knights Variation ng English Opening.
Ang kabiguang ito ni So laban sa 16-year-old na si Giri ang nagpalabo ng kanyang tsansa na mapanalunan ang kanyang unang major title ngayong taon.
Sina leading woodpushers Maxime Vachier-Lagrave ng France at Fabiano Caruana ng Italy na kasalukuyang tabla sa unang puesto na pawang may limang puntos ang may malakas na tsansa na mapanalunan ang prestihiyosong chess title.
Ginapi ni Vachier-Lagrave, ang highest rated na manlalaro na may ELO 2723, si GM Mazim Rodshtein ng Israel upang makahabol kay Caruana sa unahan habang si Caruana naman na nagbigay kay So ng kanyang unang talo ay nakipagkasundo sa tabla laban kay GM Dmitry Andreikin ng Russia.
Nakisalo naman para sa pakikipagtabla sa ikalawang puwesto si GM Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam kay Andreikin ng kanyang talunin si GM Evgeny Tomsahevky ng Russia para makapagtala ng 4.5 na puntos.
Nalaglag naman sa pakikipagtabla sa ika-lima hanggang ika-walong puwesto si So kasama sina Giri, Tomashevky at Rodshtein na pare-parehong may apat na puntos.