La Salle pipigilan ang FEU
MANILA, Philippines - Isang winning streak ang magwawakas matapos ang tagisan sa 73rd UAAP men’s basketball ngayon sa Araneta Coliseum.
Magsusukatan ang FEU at La Salle sa ganap na alas-2 ng hapon at ang mananalo ay maipagpapatuloy ang kanilang winning streak bukod pa sa pagkapit sa liderato sa walong koponang liga.
Ang Tamaraws ay napapaboran matapos ngang ipanalo ang apat na unang laro para maging natatanging koponan na hindi pa nabibigo sa unang ikutan.
Patuloy na kumukuha ng magandang paglalaro si coach Glen Capacio sa mga inaasahan na sina RR Garcia, Aldrech Ramos, Reil Cervantes at Paul Sanga.
Ngunit naipapakita pa ng Tamaraws ang lalim ng kanilang bench dahil nagpapasikat din ang mga manlalarong kabahagi sa rotation.
Isa sa nagpasikat ay si Terrence Romeo na kumawala ng 21 puntos nang ilampaso ng FEU ang UP, 94-70 sa huling laro.
“Pinakamasayang coach na ako marahil sa liga dahil sa ipinakikitang laro ng mga bata,” ani Capacio.
Ngunit tiyak na masusukat sila sa Archers na may dalawang dikit na panalo matapos simulan ang kampanya sa 1-1 karta.
Ang naunang sinasabing mahinang koponan dahil mga sophomores ang halos bumubuo sa tropa at ang coach na si Dindo Pumaren ay bagong upo sa La Salle ay tila mali dahil nasa ikalawang puwesto ang Archers kasalo ang Adamson sa 3-1 karta.
Sinelyuhan ng koponan ang pagiging title contender nang talunin ang karibal at nagdedepensang Ateneo, 66-63, nitong Hulyo 24.
Maghihiwalay naman ng landas ang UST at National University sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Parehong may 2-2 karta ang Tigers at Bulldogs upang makasalo ng pahingang Eagles sa ikatlong grupo sa standings.
- Latest
- Trending