MANILA, Philippines - Walang magiging problema sa drug testing ang inilulutong laban sa pagitan nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito sa Nobyembre 13.
Ito’y dahil hindi hihingi ang kampo ni Margarito ng mga blood test tulad ng nais na gawin ni Floyd Mayweather Jr. dahilan upang maudlot ang mega fight sana nila ni Pacquiao.
“No, why blood test? That is not important,” wika ni Francisco Espinoza na isa sa tumatayong manager ni Margarito. “They are both athletes and both of them are responsible for what they are doing,” dagdag pa ni Espinoza sa Boxingscene.com.
Wala namang maibigay pa na anumang detalye ang nasabing opisyal dahil para sa kanya ay hindi pa ganap na selyado ang usapin sa laban.
Aniya, hinihintay pa nila ang opisyal na pahayag ni Pacquiao kung si Margarito nga ba o si Miguel Cotto ang kanyang haharapin sa Nobyembre.
Si Top Rank promoter Bob Arum, na siyang may hawak kina Pacquiao, Margarito at Cotto, ang siyang nagsabi na ang Mexican boxer na ang siyang makakaharap ni Pacquiao sa pagbabalik nito sa ring.
Huling lumaban si Pacquiao noon pang Marso at nanalo ito laban kay Joshua Clottey.
Maliban sa Atlantic City, tinitingnan din ni Arum ang MGM Grand sa Las Vegas, Cowboys Stadium sa Arlington, Texas at Monterrey, Mexico.