MANILA, Philippines - Nagbigay babala agad ang Misamis Oriental sa hangaring madomina ang eight leg ng Tournament of the Philippines (TOP) matapos durugin ang Ascof Lagundi, 94-70, sa pagbubukas ng torneo sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro City.
Limang manlalaro sa pangunguna ng 16 puntos at 11 rebounds ni Reil Raneses ang namuno sa limang manlalaro ng Meteors na umiskor ng hindi bababa sa 10 puntos para makapagdomina ang Meteors sa Cough Busters tungo sa 1-0 karta.
Nangapa sa simula ng tagisan dahilan upang makaabante pa ang Ascof sa 14-9, pinagningas ng tig-isang tres nina Raneses at Patrick Cabahug ang 20-0 bomba upang ang 30-28 bentahe ay lumubo sa 50-28 kalamangan.
May 15 puntos at 8 rebounds si Ronald Lamocha na nagmula sa bench habang sina Mark Moreno, Eder Saldua at Cabahug ay naghatid ng 12, 10 at 10 puntos.
“Inspirado silang naglaro dahil homecourt namin ito. Determinado silang magkampeon dito,” wika ni Meteors coach Jun Noel.
Sinandalan naman ng M. Lhuillier Kwarta Padala Cebu ang tikas sa endgame ni Warren Ybanez upang maiuwi ang 82-77 panalo sa Hobe Taguig sa isa pang laro.
Ibinagsak ni Ybañez ang pito sa kabuuang 9 na ginawa sa laro sa huling 4:00 minuto upang maisantabi ang pagkawala ng kanilang 51-40 kalamangan at nakita pa ang pagkuha ng 69-67 bentahe ng Taguig.