MANILA, Philippines - Para kay coach Siot Tanquingcen, hindi garantiya ang pagkakaroon ng mga Beermen ng offensive firepower para makatiyak ng isang finals berth.
“Even if people say we have some good talent on the offensive end, talent can only get you so far, eh,” sabi ni Tanquingcen. “Pagdating ng playoffs everybody’s talented naman, so you have to make stops to give yourself some chance to get ahead a little.”
Matapos kunin ang Game One, 101-88, isinuko naman ng nagdedepensang San Miguel ang Game Two, 94-95, sa Derby Ace bago angkinin ang 2-1 abante sa kanilang best-of-seven semifinals series mula sa 74-70 tagumpay sa Game Three noong Linggo.
Hangad ang kanilang ikalawang sunod na panalo, sasagupain ng Beermen ang Llamados sa Game Four ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Alaska Aces at Talk ‘N Text Tropang Texters sa alas-5 ng hapon sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Bitbit rin ng Alaska ang 2-1 lamang sa kanilang serye ng Talk ‘N text nang isubi ang 90-86 panalo sa Game Three.
Muling babanderahan nina Best Import Gabe Freeman, Arwind Santos, Jay Washington, Dondon Hontiveros, Danny Ildefonso at Danny Siegle ang San Miguel katapat sina Tony Washam, James Yap, Marc Pingris, Roger Yap, PJ Simon at rookie Rico Maierhofer ng Derby Ace.
Pinuwersa ng depensa ng Beermen ang Llamados sa malamyang 5-of-18 fieldgoal shooting sa third period at 4-of-20 clip sa fourth canto para kumpletuhin ang kanilang pagbangon mula sa isang 17-point deficit sa second quarter.
Sa inisyal na laro, kumpiyansa naman ang Aces sa Game Four matapos matakasan ang Tropang Texters, hindi makukuha ang serbisyo ni Ryan Reyes bunga ng right leg injury nito noong Linggo.
“If we were down 2-1, going into this next stretch of three games it would be very difficult for us,” ani mentor Tim Cone sa kanyang Alaska. “But being up 2-1 now and having a couple of days break and having this with the three games in five days will help us tremendously.”
Sinasabing pinaplano ni coach Chot Reyes na palitan si Talk ‘N Text reinforcement Shawn Daniels dahilan sa pagkakadomina rito ni Diamon Simpson sa kanilang semifinals series.