Marata nagpasikat sa Archers, napiling UAAP PoW
MANILA, Philippines - Tagisan uli ng mga guards ang nangyari sa nagdaang UAAP games at kuminang sa kanyang hanay si Samuel Joseph Marata ng La Salle.
Sa larong sumusukat sa katatagan ng isang manlalaro dahil nagtuos ang magkaribal na La Salle at Ateneo nitong Sabado at sinaksihan ng 16,566 manonood, naipakita ni Marata na handa siya sa ganitong tagisan nang pangunahan ang kinuhang 66-63 panalo kontra sa Eagles.
Hindi sumablay ang pamangkin ng nasirang basketbolistang si Ric Ric sa apat na tres para sa 12 puntos sa labanan.
Ang huling dalawang tres ni Marata ay ginawa upang lamunin ng Archers ang 59-63 kalamangan ng Ateneo.
“He played well and made the big shots,” wika nga ni first time La Salle coach Dindo Pumaren.
Ang panalo ay tumapos sa anim na sunod na tagumpay ng Eagles sapul ng 2008 at nahagip ni Pumaren ang ikaapat napanalo sa sampung head to head na pagkikita nila ni Norman Black.
Sa kabuuan ng apat na laro na kung saan tatlo ang naipanalo ng La Salle, si Marata ang pangalawang pinakamahusay na iskorer ng Archers sa kanyang 9.25 puntos bukod pa sa 4.5 rebounds at 1.5 assists.
Dala ng kanyang pagbibida, si Marata ang hinirang bilang Accel-Filoil UAAP Player of the Week ng mga mamamahayag na nagkokober sa nasabing liga.
- Latest
- Trending